PatrolPH

1 patay, 2 sugatan matapos tamaan ng kidlat sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2022 06:15 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Nabalot ng takot at labis na pagkabigla ang mga tricycle driver sa isang paradahan sa Brgy. San Agustin sa lungsod ng Trece Martires, Cavite.

Natamaan kasi ng kidlat ang dalawa nilang kasama at ang may-ari ng isang tindahan sa kanilang paradahan nitong Huwebes, alas-4 ng hapon.

Isa sa mga natamaan ng kidlat si Mark Arjay Layno, 26. Kwento niya, biglaan umano ang nangyari kaya wala halos siyang natandaan.

Hindi nagtamo ng sugat sa katawan si Layno kaya matapos ang kaniyang checkup, nakauwi na ito. Iniinda niya lang ang sakit ng likod dahil sa epekto ng kidlat.

Natamaan din ng kidlat ang isa pa niyang kasamahan, pero mild shock lang ang tinamo nito kaya hindi na dinala sa ospital.

Pero napuruhan si Edrin Musa, ang may-ari ng tindahan. Dead on arrival siya sa ospital.

Kwento ng asawa ng biktima na si Irene, sa likod tinamaan ng kidlat ang kanyang mister. Sa lakas ng boltahe, nangitim pati ang dibdib nito.

Dalawang maliliit na anak ang naulila ni Musa.

Kwento ni Irene, excited sana itong ihatid sa unang araw ng pasukan sa Lunes ang kanilang anak.

Malawak at nasa itaas na bahagi ang lugar kung saan nangyari ang insidente. May puno rin ito ng akasya kung saan nakatayo ang isang maliit na tindahan.

Hindi pa naipapa-record sa PNP ang insidente.

Pero sa Facebook post nang alkalde ng Trece Martires na si Gemma Lubigan, nagbabala ito sa mga residente na magdoble-ingat lalo't napapadalas ang pagkulog at pagkidlat lalo na sa hapon.

Ilan sa mga babala kung may kulog at kidlat ang paglayo sa mga open field. Huwag din umano gumamit ng cellphone.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.