Kaanak, umapela para sa agarang pagpapauwi sa inabusong OFW sa Saudi

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 05:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Hindi inaasahan ng mga kamag-anak ng isang Pilipinang domestic worker sa Riyadh, Saudi Arabia na malalagay sa alanganin ang buhay nito dahil sa paghangad na makatulong sa pamilya.

Ayon kay Angel Nuñez, limang buwan pa lamang sa Saudi Arabia ang kaniyang ate pero nakaranas na ito ng pangmamaltrato at apat na beses pa umanong hinalay ng kaniyang amo.

Buwan ng Marso nakipagsapalaran sa Saudi ang kaniyang kapatid na si “Jenny.” Pero nagkasakit ito ng UTI kaya isinauli siya ng unang amo sa agency para magpagaling.

“Hinanapan ng pangalawang amo, doon na nangyari ang lahat sa ate ko,” sabi ni Nuñez.

Sa programang Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo, sinabi ni Nuñez na nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga shelter ang kaniyang kapatid.

“Traumatized na po talaga siya. Naawa na po ako sa kanya. Sana matulungan niyo po siya. Limang buwan pa lang po siya doon ganun na nangyari sa kanya. Bago lang po siya doon, di ko po maisip na ganun ang magiging buhay niya doon. Sana po mapabilis ang pag-uwi ng ate ko para po sa anak niya na naghihintay sa pagbalik niya at kaming pamilya niya na nag-aalala sa kaniya,” sabi niya.

Kuwento ni Jenny sa kapatid na pinagmamalupitan siya ng babaeng amo at minomolesitya at ginahasa ng apat ng beses ng lalaking amo.
 
Nangako naman si Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan ang OFW na makauwi agad sa Pilipinas.

“Ang good news dito nasa shelter na siya ‘di tulad sa ibang kaso na siya ay sasagipin pa lamang. Ang kailangan lang gawin ay ayusin ang kaniyang pagpapauwi. May proseso lang ang pagkamit ng exit visa at plane ticket. Ang mahirap na bahagi 'yung exit visa,” sabi ni Cacdac sa parehong panayam.

Bukod sa kalagayan ng OFW, aalamin din ni Cacdac kung may kasong naisampa doon laban sa employer ni Jenny. 

“Aalamin ko 'yung kaso kung meron man. Habang nandoon pa siya, mas mahirap kung nakauwi na siya. Habang nandoon pa siya at pwede siyang tumestigo pwedeng magsulong ng ganitong kaso,” sabi ni Cacdac.

— TeleRadyo 17 Agosto 2021