Ilang Pinoy na naghihintay ng flight, nananatili sa evacuation compound sa Afghanistan
ABS-CBN News
Posted at Aug 17 2021 01:13 PM
MAYNILA— May Ilang Pilipino pa rin ang naghihintay na makaalis sa Afghanistan, na nilisan na ng pangulo nito at nakubkob na ng grupong Taliban, na pinaniniwalaang maaaring maging mitsa ng mga terror attack.
Isa dito si "Rowel," isang Pilipinong nagtatrabaho sa American University of Afghanistan.
“Ngayon nandito sa evacuation center, isang compound ng international security company. Nasa pangangalaga kami nila. Sila rin po ang aming kliyente bilang isang private security namin ng American University,” pahayag ni “Rowel,” isang assistant director for facilities ng naturang unibersidad.
Ayon kay Rowel, ikatlong araw na niya sa evacuation center simula nang itakbo sila doon noong Agosto 14 kasama ng presidente at iba pang opisyal ng unibersidad.
“Naiwan kami dito, tatlo sa side ng American University. 'Yung aming security director saka 'yung vice president. Meron pang 4 na students na amin pong ilalabas ng bansa na talagang grabe ang pagkatakot nila,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo.
Bukod sa kaniya, may tinatayang 18 pang Pilipino ang kasama niyang naghihintay sa compound. Meron ding ibang mga lahi sa naturang compound na matatagpuan malapit sa Kabul International Airport.
Marami aniya sa kanila ang may confirmed commercial flights pero hindi nakalipad dahil kanselado ang operasyon sa international airport.
Ito'y matapos dumugin ang paliparan ng mga taong gustong lumikas ng bansa sa gitna ng gulo.
“Ang inaantay namin supposed to be kahapon 'yung chopper, hindi natuloy 'yung chopper pero 'yung aming eroplano na chartered flight papunta sa Qatar balita ko dumating kahapon. Ang problema lang ang chopper di nakarating sa aming compound,” sabi niya.
Simula rin ng makubkob ang Kabul, ang kabisera ng bansa, napuno aniya ng Taliban fighters ang mga kalsada kaya’t naging delikado.
Kagabi lang aniya ay muling sumubok ang Taliban na pasukin ang compound kung saan sila nag-evacuate.
“Talagang nagpapasalamat ako maganda talaga ang serbisyo ng British security company namin at hindi sila nag-succeed, parang naitaboy,” sabi niya.
Pinoy in Afghanistan, Afghanistan, Taliban, Kabul City, TeleRadyo