COVID ward ng Ospital ng Sampaloc sa Maynila puno na

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 10:23 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Puno na ang COVID-19 ward sa Ospital ng Sampaloc sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa Manila Public Information Office, 107 percent na ang occupancy rate sa kanilang COVID-19 ward sa ngayon o higit sa capacity.

Ang naturang ospital ay may 30 kama para sa COVID patients. Pero higit na ang bilang ng mga pasyenteng may COVID na naka-admit ngayon at ang iba ay sa emergency room na naghihintay.

May mga tent din sa labas ng ospital at dito naman naghihintay ang ilang pasyente at bisita bago pumasok para hindi magsiksikan sa loob ng ospital.

Hindi lang ang Ospital ng Sampaloc ang puno na ang COVID-19 wards.

Ang Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta ay 92 percent na ang okupado. May 318 COVID patients ngayon doon sa loob ng 345 lamang na kama.

Halos 90 percent na rin ang occupancy rate ng COVID ward ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center at Ospital ng Tondo.

Ayon kay Manila Health Department Chief Dr. Arnold Pangan marami na talagang pasyente sa lahat ng ospital sa lungsod.

- TeleRadyo 17 Agosto 2021