PatrolPH

Ilang school service, magtataas ng singil ngayong pasukan

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2022 09:56 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Magtataas ng singil ang ilang school service sa bansa ngayong darating na school year kasunod na rin ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

“Dati po kasi na kami ay tumigil sa pagse-service, bago tayo tamaan ng pandemya, ang krudo po noon ay P35, P37 lamang. Eh ngayon po’y halos sumipa na sa doble,” ayon kay Celso dela Paz, pangulo ng National Alliance of School Service Association.

“Kahit sa gusto po nami’y kami’y makatakbong muli pero kung kami’y tatakbo sa dating presyo, hindi na po talaga kakayanin kaya nagdagdag po kami ngayon ng presyo, yung po dati naming P2,000 na minimum, kung dodoblehin po namin ay P4,000 dapat.”

“Gayunpaman ay nagkausap na nga kami ng PTA (Parent-Teacher Association), nagkakatulungan naman kami kaya sabi ko salubungin na natin sa gitna, dagdagan na natin ng P1,000 kahit paano para naman kami ay makatakbo at kami’y kumita kahit papaano kahit onti,” kuwento niya.

Ani Dela Paz, handang-handa na ang kanilang grupo sa pagbubukas ng klase nitong Agosto 22.

“May mga 2nd dose na po itong mga ito kaya kami po ay reading-ready na.”

Dagdag pa niya, meron na rin silang mga thermometer para ma-check ang temperatura ng mga mag-aaral na kanilang isasakay. 

Nilinaw na rin aniya ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Cheloy Garafil na exempted na sa number coding ang mga school service.

--TeleRadyo, 16 August 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.