Poultry farmers, bibigyan ng P80 kada manok na papatayin dahil sa bird flu

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:42 PM

Watch also in iWantTFC

Binisita ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga bayan ng Sto. Tomas, Pampanga na pasok sa one kilometer radius ng dalawang barangay na apektado ng bird flu outbreak para ilatag ang mga tulong na maaaring ibigay ng pamahalaan. 

Aminado si Piñol na hindi madaling humarap sa mga poultry farmer na nasa bingit na ng pagkawala ng kanilang mga negosyo pero aagapay aniya ang pamahalaan sa kanila at magbibigay ng tulong pinansyal sa mga apektado ng bird flu outbreak. 

Matapos madeklara ang bird flu outbreak, kainailangang patayin ang mga alagang manok sa lahat ng farms na pasok sa one kilometer radius. 

Ang mga nasa loob naman ng seven kilometer radius, hindi na puwedeng ibenta ang kanilang mga alaga pati na ang mga itlog sa labas nito. 

Ayon kay Piñol, maaaring makatanggap ng P80 ang may-ari sa bawat ulo ng manok na papatayin. 

Mayroon din aniyang survival and recovery loaning program kung saan maaaring makatanggap ng P25,000 ang mga apektado: P5,000 ang grant at walang collateral o interes ang P20,000. Puwede itong bayaran matapos ang tatlong taon.

Pero para sa itik farmer at dating overseas Filipino worker na si Nilo Dela Cruz, mahirap tanggapin na sa isang iglap ay mawawala lahat ang pinagpagurang pera sa loob ng siyam na taong pagtatrabaho sa ibang bansa. 

Para sa kaniya, hindi sapat ang P80 na bayad sa kada ulo ng alagang itik na mawawala. 

Tinatayang nasa 200,000 ang mga manok at itik na apektado ng bird flu sa Pampanga. Umabot na sa mahigit 50,000 ang napapatay matapos magsimula ang culling ng mga ito.

Samantala, umaalma pa rin ang ilang poultry farmer dahil naniniwala sila na hindi tinamaan ng bird flu ang kanilang mga alaga. 

Ipinag-utos na rin ni Piñol ang pagsunog sa mga manok na may bird flu.

Susubukan na ng Department of Agriculture sa susunod na linggo na masimulan ang pagbayad sa mga poultry farmer para sa kanilang mga alagang pinatay para maiwasan ang tuluyang pagkalat ng bird flu. 

Para naman patunayang hindi dapat ikaalarma ng mga mamimili ang bird flu, nag-almusal ng pritong itik, lugaw na may manok, balut, at leche flan si Piñol, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Luis, Pampanga. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.