Kakulangan sa health workers tinutugunan ng DOH: Duque

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2021 01:37 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na patuloy na tinutugunan ng Department of Health ang kakulangan sa manpower na idinadaing ng mga ospital ngayon sa gitna ng pagsipa muli ng mga kaso ng COVID-19 dulot ng mas nakahahawang Delta variant.

“Ginagawa naman ng DOH 'yung augmentation ng kanilang health care workers. Meron tayong emergency hiring program. Katunayan nga mga 20,000 na na-deploy na ng DOH sa mga pasilidad o mga ospital ng mga local government units, at pagka talagang maraming pasyente kumukuha din tayo ng karagdagan pa mula sa mga DOH hospitals sa ibang regions na mababa pa naman ang mga kaso,” pahayag ni Duque.

Kakulangan sa mga nurse ang isa sa mga limitasyon ng mga ospital para makapag-expand ng kanilang bed capacity lalo na’t patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nito lamang Biyernes, pumalo sa 13,177 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabuuan, nasa 1,713,302 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 96,395 ang aktibong mga kaso.

“Parang 'yung ginawa natin nung nag-surge tayo ng March-April, kumuha tayo ng mga health care workers from the Visayas and Mindanao. Sila maliit ang kaso, nagpadala sila ng mga tao,” sabi niya.

Samantala, wala pa aniyang batayan sa ngayon para masabi kung kailangang palawigin pa ang enhanced community quarantine sa kalakhang Maynila, lampas sa itinalagang pagtatapos nito sa Agosto 20.

“Walang batayan 'yan sa ngayon kasi aantayin pa natin ang sariwang datos para gumabay sa IATF kung magde-desisyon ba na ito ba ay ide-deescalate o i-extend. Wala pa tayo sa ganung panahon,” sabi ni Duque.

Kailangan aniyang hintayin pa ang pag-reevaluate ng technical group of experts at mga data analytics group para malaman ang trend.

“Malinaw na talagang meron pang pagtaas at patuloy yung community transmission ng mga COVID-19 infections kaya kinakailangang mag-ingat tayo,” sabi niya.

- TeleRadyo 14 Agosto 2021