FDA hahabulin mga ilegal na magbebenta ng Lianhua Qingwen herbal medicine
ABS-CBN News
Posted at Aug 14 2020 03:42 PM
MAYNILA - Tiniyak ng Food and Drugs Administration (FDA) na huhulin nito ang mga ilegal na magbebenta ng Chinese herbal medicine na Lianhua Qingwen.
“Huhulihin po natin ang nagbebenta ng gamot na walang license to operate na pharmacy dahil pag ganitong gamot na registered kailangan po sa botika lamang na may pharmacist na magbebenta. At pag prescription drug, ‘di po pwedeng ibenta nang walang resita ang pasyente,” pahayag ni FDA Director General, Usec. Eric Domingo.
Ayon kay Domingo, may mga parusa at administrative na kaso ang pwedeng ipataw ng FDA sa mga lalabag sa batas. Maaari rin silang sampahan ng kasong kriminal kung ang gamot na ibinebenta ay peke o substandard.
“Kung makita n’yo na puro Chinese ang salita niya tapos binebenta alam po nating hindi registered kasi bawal po sa atin yung hindi naiintindhan ng bibili kung ano lamang nun,” sabi niya sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, Biyernes ng umaga.
Kailangan aniya na ang mga sangkap, pangalan, indication at kontra indications ng medisina ay nasa salitang ingles.
Aprubado na ng FDA ang Lianhua Qingwen bilang isang traditional medicine pero hindi gamot para sa COVID-19.
“It helps remove toxins, invasion of the lungs, including fever, aversion to cold, muscle soreness, stuffy and runny nose. Ang traditional medicines, herbal products na hindi for a particular disease, kung ‘di usually mga sintomas ang kaniyang ginagamot,” paliwanag niya.
Pero paalala naman ni Domingo na tiyaking kumonsulta muna sa doktor bago gumamit nito dahil hindi ito aniya para sa self-medication.
“Talagang ‘di po siya pwdeng self-medication. Kailangang magkokonsulta at tuturuan kayo sa actual dosage niya,” sabi niya
Chinese traditional medicine, Lianhua Qingwen, herbal medicine, FDA, Eric Domingo