Simbahan sa Bulacan tinamaan ng kidlat, tore bahagyang nasira

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 10:01 AM

Watch more News on iWantTFC

Nabulabog ang mga nagmimisa sa Santa Monica Parish Church sa Angat, Bulacan, nang makarinig sila ng malakas na pagsabog habang nagmimisa, alas kwatro y medya noong Linggo.

Ang Santa Monica Parish Church ang isa sa pinakamatandang simbahan sa lalawigan na unang tinayo noong 1700s.

Kwento ni JunJun Lucenesio, Sakristan Mayor nang nasabing simbahan,
ang malakas na pagsabog na kanilang narinig ay kidlat na tumama sa tore ng simbahan.

Maswerteng walang tinamaan sa insidente pero nasira ang bahagi ng tore.

Nagkalat ang mga tipak ng semento at bato sa ibaba nito at maging sa bubungan kung saan dinaraos ang misa. Nabutasan ang ilang bahagi ng bubungan pero hindi naman nahulog sa loob ng simbahan ang mga bato. 

Sa ngayon ay hindi pa tuluyang nalilinis ang torre at nandoon pa rin ang mga bato at semento. 

Ayon kay Lucenesio, posibleng tumagal pa hanggang sa susunod na buwan bago tuluyang maayos ang nasirang torre.