Barkong may COVID-19 ang crew ikinababahala sa Bauan, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2021 12:21 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Simula nang makumpirma na may 25 crew na positibo sa COVID-19 ang barkong M/V St. Anthony de Padua ng 2Go ay hindi na mapanatag ang kalooban ng mga residente ng Barangay San Andres Uno sa bayan ng Bauan sa Batangas. 

Napakalapit lamang ng kanilang barangay kung saan naka-angkla ang barko. Natatakot ang mga residente para sa kanilang kalusugan kaya nais nila sana ay lumayo o ilipat ng lugar ang barko

“Ang maganda pong mangyari ay maalis ang barko na 'yan,” sabi ng isang residente.

Dagdag ng isa pa, “mula nang pumunta dyan naiwas na kami dahil mahirap na, nangingisda kami.”

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Bauan, walang pahintulot sa kanila ang pagdating ng barko sa lugar. Bagama't handa silang tumulong wala umanong green lane ang Bauan Port kaya hindi pwedeng magsakay at magbaba ng mga pasahero doon.

Inaalala nila kung paano tutugon sa barko kung magkakaroon ng emergency situation. Wala rin umanong ibinibigay na contingency at action plan sa kanila ang pamunuan ng 2Go. 

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, health and safety din ng mga residente ang prayoridad ng LGU kaya dapat lisanin na lang ng barko ang lugar.

Sagot naman ng Philippine Ports Authority (PPA) naghahanap na sila ng ibang lugar.

Sinuspende na rin ng Maritime Industry Authority o Marina ang Passenger Ship Safety ng barko habang pinadalhan na rin ng show cause order ng PPA ang pamunuan ng 2Go. 

Ipinagpapaliwanag sila kung bakit nakapagbaba ng dalawang crew na walang pahintulot at bumiyahe pa papuntang Caticlan ang barko gayung hindi pa lumalabas ang resulta ng swab test ng dalawang tripulante na kalaunan ay nagpositibo.

Umabot na sa 211 ang mga pasahero na kasama sa contact tracing, kabilang ang 134 na pasaherong bumaba sa Caticlan at 77 pasaherong bumaba sa Batangas Port.

Dagdag pa ng PPA, isa sa mga pasaherong bumaba sa Batangas Port ay nagpakita na ng sintomas ng COVID-19.

Umaapela na ang Batangas Inter-Agency Task Force sa mga naging pasahero ng M/V St. Anthony de Padua na makipag-ugnayan kaagad sa kanila.

— TeleRadyo 12 Agosto 2021