SAP beneficiaries sa Marikina, magdamag pumila para sa ayuda

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 10:29 AM

Watch more on iWantTFC

Magdamag pumila ang mga benepisaryo ng social amelioration program (SAP) para kumuha ng kanilang ayuda sa isang remittance center sa J.P. Rizal Street sa lungsod ng Marikina.

Alas-9 ng gabi ng Martes ang unang nasa pila sa labas ng remittance center. Ang iba ay sa bangketa na nagpalipas ng gabi para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno.

Ang iba ay may baong sako at kumot na kanilang ilalatag kapag mapagod sa pila at tamaan ng antok.

Kailangan nilang tiyagain ang pagpila para masigurong una sa pila.

May cut-off din na 50 katao kada araw ang remittance center kaya nanigurado silang makakasama sa bilang.

Mas gusto naman ng iba ang pamamaraan ng pagbabahagi ng ayuda noong unang tranche ng SAP na idinaan sa barangay. Anila, sa remittance center ay 1 o 2 lamang ang nagpoproseso sa lahat ng kukuha ng ayuda kumpara sa barangay na maraming lamesa at nagdidistribute ng ayuda.

- ABS-CBN Teleradyo 12 Agosto 2020