Kaso ng COVID-19 sa Calapan ‘sumipa’ matapos magpositibo 42 police trainees

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 10:17 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tumaas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Calapan City sa Oriental Mindoro matapos na magpositibo ang 42 katao, karamihan ay police trainees.

“Naka-quarantine sila sa City Quarantine facility. Merongdoong mga 48 na naka confine, 42 police trainee at dati nang naka-quarantine na,” pahayag ni Calapan City Mayor Arnan Panaligan sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo.

Sa kabuuang 42 kasong naitala nitong Martes, dalawa ay sibilyan na may-ari umano ng bahay na tinuluyan ng mga police trainee.

"Mahirap i-trace dahil community transmission. Itong mga pulis na ito nagdu-duty sa labas, sa mga kalsada, sa checkpoints, nagpapatrol sila, nagtatrapik din sila bahagi ng training nila na sila ay nasa labas,” ani Panaligan.

Dagdag niya, hiniling na nila sa Inter-Agency Task Force na isailalim ang lungsod sa modified enhance community quarantine para malimitahan ang publiko na lumabas ng kanilang mga bahay at habang nagsasagawa sila ng contact tracing sa mga posibleng nakalamuha ng police trainees.

Sa tala ng lokal na pamahalaang nitong Martes, mayroon nang 80 naitalang kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 19 ang gumaling at isa ang namatay.