PatrolPH

23 nasagip sa paglubog ng bangka sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2022 07:24 AM

Watch more News on iWantTFC

Nailigtas ang 23 sakay ng isang bangka na lumubog sa karagatan sa may bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro malapit sa Garza island.

Ayon sa Magsaysay MDRRMO, nakatanggap sila ng tawag bandang alas-4 ng hapon na isang bangka ang lumubog kaya agad na rumesponde ang sea ambulance at rescue team ng PDRRMO.

Pagdating sa lugar, inabutan ng rescue team ang mga sakay ng bangka na palutang-lutang habang ang iba ay nakakapit sa natitirang bahagi ng bangkang nakalubog.

Agad na naghagis ng mga life jacket ang mga rescue team at nasagip ang lahat ng 23 sakay.

Base sa imbestigasyon, nag-outing sa Garza island ang magkakapamilyang sakay ng bangka, pero habang pauwi na, ay nabutas umano ang bangka kaya pinasok ng tubig hanggang unti-unti nang lumubog.

Nakahingi pa ng saklolo ang ilan sa mga sakay nito kaya mabilis ang naging pagresponde ng mga rescue team.

Wala naman nasaktan sa mga sakay ng bangka at sila lahat ay nakauwi dahil nasa maayos lahat ang kanilang kundisyon. - Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.