Pamilya ng nabaril ng tanod sa Maynila, nananawagan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2021 02:21 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nanawagan ng tulong ang pamilya ng lalaking may sakit sa pag-iisip na nabaril ng isang tanod sa Tondo, Maynila dahil sa umano’y paglabag sa curfew.

Ayon kay Gilda Geñorga, hipag ng biktimang si Eduardo Geñorga, higit P15,000 ang sinisingil sa kanila ng pinagdalhan ng bangkay ng kaanak.

“Tinataga rin ho kami sa presyo eh. Bale 15,000 ang sinisingil samin tapos dagdag pa ng P9,000.”

“Problema namin yung pinansiyal na pangangailangan kasi walang-wala na nga kami. Pangdamit nga po niya wala eh,” aniya. 

Kuwento ni Gilda, nag-umpisa ang problema sa pag-iisip ng kanyang bayaw nang maghiwalay sila ng asawa nito halos tatlong dekada na ang nakalilipas.

“Kasi po nung naghiwalay sila, nung namatay yung isang anak nila, kaisa-isang anak nila,” aniya.

Hindi na masyadong nadala sa ospital ang biktima, pero ani Gilda, may gamot pa rin naman ito.

“Nung nagkasakit siya, ganyan na, napapagamot naman namin ng biyenan ko. Eh kasi mahina na rin ang biyenan ko kaya parang ano na rin, di na rin siya nadadala sa ospital.”

“Hindi naman napapabayaan kasi binibigyan namin siya ng panggastos ng hipag ko tsaka biyenan ko pag dinadalaw siya rito,” aniya.

Kasalukuyang pinoproseso ng pamilya Geñorga ang mga papeles para mailabas ang kanilang kaanak. Ngunit kapos sila sa pera dahil may dalawa silang kaanak na namatay rin nitong Abril lang.

Nahaharap na sa reklamong murder si Cesar Panlaqui, ang tanod na nakabaril kay Geñorga.

--DZMM, 10 August 2021