Ilang jeepney driver sa Maynila, 1 taon nang nanlilimos

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2021 10:21 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Inabutan na ng ikatlong enhanced community quarantine (ECQ) ang ilang tsuper sa Blumentritt Road sa Maynila pero hanggang ngayon, hindi pa rin sila makapamasada.

Higit isang taon nang namamalimos ang ilan sa kanila dahil hindi pa rin pinapayagang bumiyahe ang ruta nilang MCU-Baclaran.

“Namamalimos nga po para may mapagkakakitaan. Kung sana may tutulong sa akin makapagmaneho,” sabi ni Paul Ebeza

Karamihan sa mga inaprubahang ruta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay mga short distance lang.

“Hindi pa dumarating yung rehistro. Yung ibang mga driver hindi pa nakakaluwas dahil alam nilang ganun pa kahirap ang biyahe rito,” sabi ni Alberto Mercader Jr.

Bukod sa pamamalimos, may ilang nagtitinda na lang din ng sigarilyo at sitsirya pero kulang pa rin itong pantustos sa kanilang pamilya kumpara sa dating kinikita nila sa pamamasada. 

“Wala pa kaming QR code. Humihingi kami sa mga driver din, binibigyan naman kami. Hanapbuhay, minsan nagtitinda kami ng sigarilyo. Sana mabigyan na ang lahat ng pagkakataon na makabiyahe,” ayon kay Roberto Gozon Jr.

Nabubulok na ang ilang mga jeep na nakagarahe lang dahil may mga umuwi na rin sa probinsya dahil hirap din sila sa biyahe lalo tuwing naghihigpit ng quarantine classification sa Metro Manila tulad ngayong ECQ.

Ayon sa isang 71-anyos na driver, hindi na kaya ang P850 na boundary fee dahil kaunti naman ang pasahero.

Wala rin naman siyang mapasukang trabaho dahil sa kanyang edad kaya sa pamamalimos na lang siya umaasa.
 
Bukod sa makabalik na sa pamamasada, naghihintay rin ang mga tsuper na maabutan ng ayuda ngayong ECQ.

- TeleRadyo 10 Agosto 2021