Pick-up truck, nang-araro ng tindahan; 1 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:19 AM

Watch also in iWantTFC

Sugatan ang isang lalaki matapos bumangga sa tindahan ang humaharurot na pick-up truck sa Sta. Ana, Maynila.

Makikita sa kuha ng CCTV na pasado alas-7 Martes ng gabi, habang maraming dumadaan na sasakyan sa F. Calderon street, ang dire-diretsong andar ng pick-up na sumalpok sa isang tindahan.

Sa isa pang anggulo ng CCTV, kitang abala sa pagluluto ang fishball vendor sa harapan ng tindahan pero mabilis siyang nakatalon ilang segundo bago bumangga ang pick-up truck.

Wasak ang fishball sidecar at bali ang poste ng ilaw at signage ng barangay.

Napatigil ang pick-up truck at hindi na nagtuloy-tuloy ang pagsubsob nito sa loob ng vape shop.

Sugatan ang tuhod at kamay at nabukulan sa ulo ang fishball vendor na si Jerick del Mar na muntikang mabangga kung hindi agad nakailag.

Ayon sa driver na si Moises Cedeno, hindi siya nakainom. Nagkamali aniya siya na silinyador ang naapakan imbes na preno.

Kuwento pa nito, inutusan siya ng kanyang amo na maghatid ng mga ipapalaba sa isang laundry shop sa lugar.

Agad namang nakipagkasundo ang may-ari ng pick-up truck sa mga naperwisyo at nangakong babayaran ang danyos.

Umagang kay Ganda, 9 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.