Clearing ops vs kolorum na tricycle, isinagawa sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:29 AM | Updated as of Aug 09 2017 12:30 PM

Watch also in iWantTFC

Nagsimula na ang clearing operations ng Tricycle Regulatory Division (TRD) ng Quezon City laban sa mga kolorum na tricycle na pumapasada sa lungsod.

Nagising ang ilang residente ng Barangay E. Rodriguez sa Cubao matapos na maagang dumating ang mga operatiba ng TRD para manghuli ng mga kolorum na tricycle.

Unang nasampulan ang bahagi ng Harvard Street, corner Aurora Boulevard at nasa humigit kumulang 10 tricycle ang nahatak.

Sa tala ng Quezon City, nasa mahigit 100 ang kanilang nahatak na mga kolorum na tricycle simula nang umarangkada ng panghuhuli noong Agosto 1.

Hindi lamang ang Barangay E. Rodriguez ang hotspot sa mga pumapasadang mga kolorum na tricycle. Kinokonsidera rin ang Barangay South Triangle, Barangay Valencia, Barangay Tatalon, Novaliches Proper, Barangay La Loma, Philcoa at Barangay Pasong Putik bilang mga pugad ng mga kolorum na tricycle na pumapasada sa lungsod ng Quezon.

Taong 2014 pa ginawa ang Tricycle Management Code ng QC. Pero aminado ang mga operatiba ng TRD na hanggang ngayon ay hindi nila masawata ang pagpasada ng mga kolorum tricycle na aabot na sa 5,000 sa lungsod pa lamang.

Maaaring matubos ang mga tricycle sa halagang P3,000 pero iiwan ang sidecar ng nakumpiskang tricycle.

Umagang kay Ganda, 9 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.