PatrolPH

Comelec, pag-uusapan ang dagdag-allowance para sa mga gurong poll workers

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2022 09:11 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Nangako ang Commission on Elections (Comelec) sa mga guro nitong Lunes na gagawin nila ang lahat para maibsan ang kanilang hirap sa pagtatrabaho bilang poll worker, matapos i-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang batas na nagbibigay ng tax exemption sa mga nagsisilbi sa panahon ng halalan.

Ilang guro na ang nagsabing hindi na lang sila magtatrabaho sa eleksyon ngayong bubuwisan na ang kanilang honoraria at allowances.

“Nakikiusap tayo sa ating mga guro, ang inyong Commission on Elections po ay gagawa ng lahat ng paraan, naintindihan po namin ang inyong nararamdaman, gagawin po namin ang lahat ng paraan, ito po’y amin nang obligasyon sa kasalukuyan, upang kahit paano naý maibsan yung inyong paghihirap sa araw po ng halalan,” ani Comelec Chairman George Garcia.

Dagdag pa ng opisyal, pag-uusapan na ng komisyon kung magkano ang idadagdag sa allowance ng mga guro.

“Dapat Sir Johnson, hindi ko muna ipe-preempt at alam niyo itoy isang desisyon na hindi lamang nakadepende sa chaiman kundi sa ating mga kasamahan, ito’y collegial body decision, therefore ako po’y pipilitin natin hanggang maaari, na kung ano dapat yung tinatanggap sa kasalukuyan, magkaroon man ng buwis, dapat ma-maintain pa rin."

“Ibig sabihin, kung ano itataas natin, yun yung itataas na yun ang buwis, tapos ay yung mismong take home nila, yung dapat na regular na take home na tatanggapin ng mga poll workers po natin.”

Una nang nasabi ni Marcos na maaaring mabigyan ng ayuda ang mga guro na magsisilbi sa botohan.

--TeleRadyo, 8 August 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.