'Hindi tayo maaawa': PNP 'sasampolan' mga pasaway na tsuper ngayong ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2021 03:22 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon na hindi sumusunod sa 50 porsiyentong kapasidad sa mga sasakyan sa ilalim ng enhanced community quarantine sa Metro Manila.

“Ang bilin natin sa ating kapulisan, partikular itong Highway Patrol Group, na pwedeng magsagawa ng random checking, 'pag may nakitang ganyan 'wag patawarin, tiketan. Magsasampol tayo niyan, hindi tayo titigil sa pagsasampol. Hindi tayo maaawa kung sakaling tiketan 'yan,” pahayag ni PNP chief General Guillermo Eleazar.

Ayon kay Eleazar, ​bukas ang public transportation sa panahon ng ECQ pero ito ay batay pa rin sa guidelines ng Department of Transportation.

“Parang rule of thumb dyan, 50 percent o kalahati, hindi dikit-dikit. 
'Yun ang minsang naba-violate 'yun. Admittedly, hindi naman natin pwedeng bantayan lahat ng mga lugar sa buong Kamaynilaan. Ang ating mga pulis ay limited sa pag-iikot nila kaya humihingi tayo ng tulong din sa mga force multiplier, partikular itong mga barangay tanod natin,” sabi ni Eleazar sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng umaga.

Nasa ilalim ang Metro Manila sa pinakamahigpit na lockdown mula Agosto 6 hanggang Agosto 20. Pero tanging ang mga kasama sa kategorya ng authorized persons outside of residence o APOR lamang ang papayagang sumakay sa pampublikong transportasyon.

Dagdag ni Eleazar na dapat ay manaig ang kooperasyon ng bawat isa at sumunod sa mga alituntunin para na rin hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Pero kapag may makitang sumusuway pa rin, 'wag na aniyang patawarin at agad nang tiketan.

"Kasi wala talaga, tigas ng ulo. Hindi mo siya makuha sa pag-explain na bakit tayo nasa ECQ,” sabi niya.

- TeleRadyo 7 Agosto 2021