P3.4-M halaga ng droga nasabat sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2021 08:30 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Timbog ang isang security guard na nakuhanan ng milyon-milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa Taguig kamakailan. 

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Maj. Gen. Vicente Danao Jr., nagkasa ng joint buy-bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Southern Police District at Taguig City nitong Huwebes. 

Ito'y matapos makakuha ng tip ang awtoridad na nagtutulak ng droga ang isang security guard at kasamahan nito. 

Nakipagkita ang police poseur buyer para makipagtransaksiyon sa suspek sa New Lower Bicutan.

Matapos ang bentahan, inaresto agad ang suspek na isang 21 anyos na gwardiya. 

Nakatakas naman ang dalawang kasabwat niya na kinilala lang bilang alyas Jabar at alyas Gino. 

Nakuha sa suspek ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3.4 milyon.

Dinala na ang suspek at ang mga nakumpiska na droga sa PDEA Northern District Office. 

Inaalam na ng awtoridad kung saan nakuha ng suspek ang ganon kalaking halaga ng droga.

Ayon naman sa NCRPO, tuloy pa rin ang mga anti-drug operation kahit pa nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Metro Manila.

- TeleRadyo 7 Agosto 2021