PatrolPH

Sapul sa CCTV: Pagnanakaw sa isang cafe sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2022 01:59 AM

Watch more News on iWantTFC

Kuha ng Francisco's Cafe

Nakuha sa CCTV ang pagnanakaw ng hindi pa nakikilalang kawatan sa isang café sa bayan ng Daraga, Albay nitong Biyernes.

Dakong alas-2 ng madaling araw sa naturang cafe sa Barangay Bascaran, nakita ang pagpasok sa bintana ng café ng lalaking naka-bonnet at face mask.

Nang makapasok, agad na dumeretso ito sa pinto ng café na tila sinisigurong nakakandado ito. Maya-maya, dumiretso ang lalaki sa counter at binutingting sa tulong ng flashlight ang mga nakalagay na gamit.

Ipinasok sa dalang sling bag ang napagdiskitahang gamit. Tinangay din ang ilang bote ng alak bago tuluyang lumabas.

Ayon sa staff na si Ella Miguel, tumagal ng halos 13 minuto sa loob ng café ang lalaki na tumakas gamit ang isang tricycle.

Isang cellphone, cash at mga imported na alak na lahat may kabuuang halagang P25,000 ang natangay ng lalaki, ayon kay Miguel.

Sinira umano ng salarin ang lock ng sliding window kaya nakapasok ito.

Bandang alas-6 na ng umaga nang madiskubre ng may-ari ang panloloob.

Handa umano ang may-ari na magbigay ng P10,000 na pabuya sa makakapagsabi ng pagkakakilanlan sa salarin.

Nai-report na sa pulisya ang insidente at patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari.—Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.