PatrolPH

Pulis tiklo sa buy-bust sa Caloocan; mga kabaro umano nakatakas

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2022 06:43 AM | Updated as of Aug 05 2022 07:43 PM

Watch more News on iWantTFC

 

MAYNILA—Hindi akalain ng mga operatiba ng PDEA na makakabilang ang isang aktibong pulis na kanilang maaaresto sa isinagawa nilang buy-bust operation sa Caloocan City nitong Huwebes.

Sa kanto ng Zabarte Road at Camarin Road sa Brgy. 172 isinagawa ang operasyon na ang target ay makabili ng kalahating kilo ng shabu mula sa isang supplier.

Habang nagaganap ang transaksyon sa pagitan ng PDEA at middleman, tinutukan umano ang mga ahente ng baril ng mga kasama ng subject sa buy-bust.

At nang aarestuhin na, dito nadiskubre na pulis ang kasama ng subject. Nagpulasan ang iba pang umano’y pulis na kasama rin ng suspek.

Ayon sa PDEA NCR, tinitingnan nila ang posibilidad na sell bust ito.

Nagtataka rin ang PDEA kung bakit may kasamang pulis ang subject nila gayong walang coordination o pre-ops ang Caloocan PNP sa nasabing lugar.

Dahil sa nangyaring misencounter sa pagitan ng PDEA at PNP noong nakaraang taon, may pinirmahang memorandum ang dalawang law enforcement agency na “one pre ops” para maiwasan ang misencouter kagaya sa Commonwealth, Quezon City.

Sa pag-beripika ng PDEA NCR, may mga coordination papers sa kanila ng mga drug operation sa NCR pero wala sa lugar ng pinangyarihan ng operasyon.

Ikinagalit naman ng pamunuan ng Northern Police District partikular ng hepe ng Caloocan ang pagkakasangkot ng tauhan na kinilala nilang si Police Corporal Mark Jefferson Lopez sa iligal na gawain

Sa pagiimbestiga ng NPD, lumalabas na sangkot umano si Lopez sa iba pang ilegal na gawain.

Tikom naman ang bibig ng pulis na suspek sa buy-bust.

Lahat sila dinisarmahan na at under camp restriction sa Caloocan Police Station.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.