PatrolPH

Ika-2 araw ng burol ni FVR inaasahang bibisitahin ng mga opisyal

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2022 07:35 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Inaasahang dadaluhan pa rin ng mga opisyal ngayong Biyernes ang ikalawang araw ng burol ni dating pangulong Fidel Valdez Ramos sa The Heritage sa Taguig City.

Sa schedule na ipinalabas ng pamilya, mga government official pa rin ang makakadalaw ngayong araw simula 7 a.m. hanggang 12:30 p.m.

Kasama rin dito ang mga miyembro ng diplomatic corps, business community, at miyembro ng cvil society organizations.

Alas-3 hanggang 4:30 naman ng hapon bibigyan ng pagkakataon ang mga dating miyembro ng Malacañang Press Corps, DND Press Corps, at FOCAP na nag-cover sa panunungkulan ng namayapang hepe ehekutibo.

Marami na ang mga dumalaw sa unang araw ng burol nitong Huwebes mula sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng bansa. Pinangunahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

May mga dumalaw na ring mga senador at kongresista, maging mga miyembro ng gabinete ni Marcos Jr.

Dumalaw na rin si dating presidente Rodrigo Duterte at dating vice president Leni Robredo.

Sa Linggo naman ibubukas sa publiko ang burol, simula pa rin alas 7 ng umaga hangang 12:30 ng hapon.

Mahabang oras ang inilaan sa public viewing sa Lunes na magsisimula alas-7 ng umaga hangang alas-4 ng hapon.

Sa mga dadalaw, hindi naman kailangan na magpresenta ng negative antigen test result, pero kailangan na sumunod sa health protocols kagaya ng pagsusuot ng facemask at social distancing lalot maliit lang ang espasyo sa kapilya. – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.