PatrolPH

Truck na puno ng pataba, tumagilid sa C5 Kalayaan

Jeff Caparas, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2022 07:35 AM

Watch more News on iWantTFC

Nakahambalang at di madaanan ng mga motorista nitong Huwebes ang northbound lane ng C5 sa bahagi ng Kalayaan sa Makati sa ilalim nitong elevated U-turn.

Humambalang kasi sa buong tatlong lane ang isang truck na puno ng chicken dung o fertilizer matapos na mawalan ito ng kontol.

Ayon sa driver ng truck na si Pit Misoles, binabaybay niya ang kalsada nang maramdaman niyang wala nang preno ang minamanehong sasakyan.

Iniwas niya ito sa nasa harapang truck at kumabig papunta sa inner lane.

Pero bigla umanong huminto ang isang kotse doon kaya muli niya umano ito iniwasan para hindi madisgrasya ang mga sakay nito, at muli niyang kinabig pakanan pabalik sa truck lane ang sasakyan.

Pagbalik sa truck lane, dito na niya nahagip na ang isang truck at tuluyan na umanong nawalan ng kontrol at saka tumagilid.

Ang pahinante naman ng truck laking pasalamat sa aniya’y ikalawang buhay na niya.

Ang mga awtoridad naman muling pinaalalahanan ang mga motorista na mag ingat at i-check mabuti ang mga sasakyan bago bumiyahe.

Galing sa Banaybanay sa Batangas at ihahatid nila sana Baguio ang nasa 600 sako ng mga pataba.

Wala namang iba pang nadamay na mga sasakayan at walang nasaktan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.