Kalibo puno na ang crematorium dahil sa nasawi sa COVID

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 01:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Ginagawang pansamantalang libingan ng mga pasyenteng namatay sa COVID-19 ang bahagi ng municipal cemetery sa Kalibo, Aklan habang naghahanap pa ng ibang lugar na pwedeng paglibingan sa mga ito.

Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica, nagkaproblema sila sa crematorium na kanilang ginagamit sa tamang pag dispose ng mga bangkay ng COVID patients lalo na’t ang average ng kanilang mga namamatay sa coronavirus ay 2 hanggang 3. 

“Yung aming municipal cemetery yun ang ginagamit naming temporary burial ground,” sabi ni Lachica.

Sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Lachica na ang Kalibo ang “battle ground of COVID cases” lalo na’t bilang capital town, nasa kanilang lugar ang mga ospital at iba pang mga commercial establishments tulad ng mga malls.

“Naghahanap pa kami ng panibagong lupa na malayo sa thickly populated area at saka nagkausap kami ni governor namin na kung pwede parang sa isang probinsiya merong libingan doon somewhere sa mataas na lugar, bulubundukin ng dalawang bayan ng Madalag o Libacao,” sabi niya.

Inilagay sa modified enhanced community quarantine ang Aklan mula Agosto 1 hanggang 15 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar. Naglatag na rin ang mga bayan tulad ng Aklan ng karagdagang restriction tulad ng barangay at municipal border checkpoints.
 
Nagpapatupad na din ng surgical lockdown sa ilang mga lugar sa Kalibo para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

- TeleRadyo 4 Agosto 2021