KILALANIN: Mga nais mamuno sa minorya ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 10:36 PM | Updated as of Aug 01 2018 08:17 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Matapos ang masalimuot na labanan sa Speakership, tila magiging madugo rin ang tunggalian kung sino ang kikilalaning minorya at Minority Floor Leader sa mababang kapulungan. 

Sa huling tala, umabot na sa 24 kongresista ang pinagsanib na puwersa ng Liberal Party (LP), Makabayan Bloc, at mga kakampi nila na humahabol na gawing Minority Floor Leader si Marikina Rep. Miro Quimbo.

LP, MAKABAYAN BLOC:
• Rep. Miro Quimbo (LP)
• Rep. Francis Abaya (LP)
• Rep. Vicente Alcala (LP)
• Rep. Gary Alejano (Magdalo Party-list)
• Rep. Kaka Bag-ao (LP)
• Rep. Teddy Baguilat (LP)
• Rep. Bolet Banal (LP)
• Rep. Kit Belmonte (LP)
• Rep. Emmanuel Billones (LP)
• Rep. Gabby Bordado (LP)
• Rep. Arlene Brosas (Gabriela Party-list) 
• Rep. Ariel Casilao (Anakpawis Party-list)
• Rep. France Castro (ACT Teachers Party-list)
• Rep. Raul Daza (LP)
• Rep. Emmi de Jesus (Gabriela Party-list)
• Rep. Toff de Venecia (LP)
• Rep. Sarah Elago (Kabataan Party-list)
• Rep. Edgar Erice (LP)
• Rep. Edcel Lagman (LP)
• Rep. Jocelyn Limkaichong (LP)
• Rep. Josephine Ramirez-Sato (LP)
• Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers Party-list)
• Rep. Tom Villarin (Akbayan Party-list)
• Rep. Carlos Isagani Zarate (Bayan Muna Party-list)

ANO ANG GINAGAMPANAN NG MINORYA
Ang minorya ang dapat nagsisilbing bantay sa mayorya at ayon sa patakaran ng Kamara:

"The House shall have standing and special committees that shall be organized, except for the committee on rules, on the basis of proportional representation of the majority and the minority."

Ibig sabihin, kailangan may puwesto ang minorya sa lahat ng komite at hindi puwedeng mag-hearing nang wala sila.

Puwede rin nilang kuwestiyunin ang quorum na maaaring maging sanhi para ma-adjourn ang sesyon.

Ito ang punto ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas nang balaan niya ang mayorya na huwag hayaang mapunta sa LP ang Minority leadership. 

"If the LP will take this? My god. God bless the administration of [President Rodrigo] Duterte. Because both Houses will be under the control of the LP. If you give it to the LP, kayo bahala,” ani Fariñas.

IBA PANG NAIS MAMUNO

Ayon naman kay Rep. Lito Atienza, may tig-15 miyembro rin ang mga kampo nina Quezon Rep. Danilo Suarez at grupo nina ousted Speaker Pantaleon Avarez at Fariñas na pawang mga nag-aambisyon din mamuno sa minority bloc.

Paninindigan ng paksyon ni Suarez, ang posisyon lang ng House Speaker ang nabakante noong nakaraang linggo kaya’t siya ay dapat manatili bilang Minority Floor Leader. 

Giit naman ng LP, bumoto si Suarez para sa pagkakaluklok ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang Speaker kaya’t wala ito sa posisyon para maging lehitimong minorya. 

Nanawagan naman ang kampo ni Quimbo na sila ang kilalanin ni Arroyo bilang minority bloc.

Ayon naman kay House Majority Floor Leader Rolando Andaya, ano man ang mapagkasunduan ng minorya, kilangan itong kilalanin ng buong plenaryo sa isang botohan.

–Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.