Drogang naipuslit, suhulan sa Customs, inusisa sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 10:29 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagisa nang husto sa Senate blue ribbon committee hearing ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa nasabat nitong P6.4 bilyong halaga ng shabu galing Tsina. 

Tinanong ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson ang BOC kung ano'ng mayroon sa baguhang proprietor na 'EMT Trading' at tila mabilis itong nakapaglalabas ng kargamento?

Isa na riyan ang kargamentong nailabas noong May 23, 2017 na kalauna'y nadiskubre ng BOC na may 604 kilo ng shabu na nakatago pa sa cylinder at may kabuuang halagang P6.4 bilyon.

Ayon kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon, si Atty. Larribert Hilario ang hindi nag-encode ng EMT Trading Data. Siya ang solong may hawak ng access sa BOC computer system, at dumoktor umano sa record ng EMT Trading para pumasok ang kanilang kargamento sa 'green lane'.

Sa ilalim kasi ng sinusunod na panuntunan ng Customs, kapag nasa green lane ang isang kargamento, diretsong mailalabas ito nang walang beripikasyon.

Sinuspende na ni Faeldon si Hilario.

Isinumite naman sa Senado ni Col. Neil Estrella ng Customs Intelligence and Investigation Service ang commendation letter o liham ng pag-aprub ng gobyerno ng Tsina sa matagumpay na pagkakasabat sa droga.

Sumalang din sa pagdinig ang trucker na si Mark Ruben Taguba II. Itinanggi niyang may kinalaman siya at kaniyang driver sa drogang nilalaman ng kargamentong nai-deliver.

Sa pagdinig, itinuro ni Taguba ang isang 'Richard Cheng' na kumontrata sa kaniya para mailabas ang May 23 shipment niya.

Nang tanungin na ng komite tungkol sa lagayan sa Customs, humiling si Taguba na mag-executive session.

Pasado alas-3 ng hapon, inilagay na si Taguba sa kustodiya ng Senate security para na rin daw sa kaniyang kaligtasan.

Ayon kay Sen. Richard "Dick" Gordon na siyang chairman ng komite, problema ang suhulan sa iba't ibang bahagi ng Customs. 

Sinegundahan iyan ni Senate Majority Floor Leader Vicente "Tito" Sotto III na sinabing nag-uugat ang problema sa 'payola' sa kawanihan.

Inako naman ni Faeldon ang kaniyang pananagutan sa nakapasok na droga sa bansa.

Inirekomenda na niya kay Pangulong Duterte na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.