Pila para sa UPCAT application nagkatensiyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 01:27 PM | Updated as of Jul 31 2019 01:06 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagkaroon ng siksikan at tulakan sa pila ng mga aplikante ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) sa Diliman, Quezon City nitong Lunes.

Kasabay ng deadline ng pagsusumite ng UPCAT form ng private school students sa Metro Manila ang enrollment ng mga estudyante ng unibersidad.

Dahil dito, napuno ng mga estudyante ang admissions office ng UP Diliman at umabot ang pila hanggang sa labas ng gusali nito.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagsimulang pumila ang ibang aplikante noon pang Linggo at nagpalipas na lang ng magdamag habang ang iba ay dumating nitong Lunes ng hatinggabi o madaling araw.

Hinimatay ang iba sa mga aplikante pero tumanggi ang health service ng UP-Diliman na ibigay ang bilang ng mga inasikaso nilang hinimatay sa gitna ng pagsusumite ng mga rekisito para sa UPCAT.

Pero ayon sa health service, ilan sa mga dahilan ng pagkahimatay ng mga bata ay pagkahilo, puyat, init ng araw, hyperventilation at hyperglycemia o high blood sugar.

Sa Agosto 3 naman ang deadline ng aplikasyon para sa public school students sa Metro Manila habang Agosto 10 naman ang deadline sa mga mag-aaral sa regional private at public schools.

Lumobo sa 167,000 ang kabuuang bilang ng UPCAT applicants nitong taon mula sa 103,000 noong nakaraang taon dahil umano sa free-tuition policy, ayon sa UP. -- May ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.