Kulungang natakasan ng 23 preso sa Bacoor, overcrowded: pulisya

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 07:55 AM | Updated as of Oct 30 2019 03:23 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Overcrowded ang temporary jail kung saan nakatakas ang 23 preso sa Bacoor, Cavite kamakailan, sinabi ng pulisya ngayong Lunes. 

Nasa 100 inmate ang capacity ng pasilidad, pero mayroon itong 446 detainees bago nangyari ang jailbreak, sinabi ni Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, sa panayam ng DZMM. 

Hindi rin aniya angkop na gamiting detention facility ang gusali. 

"Medyo malayo ito sa headquarters natin kaya iyung kulungan natin, hindi po iyan naka-design para sa mga detention cell kasi mga opisina po iyan dati ng mga pulis," paliwanag ni Cabatingan. 

Nakapuga aniya ang 23 preso nitong Biyernes ng hapon nang buksan ng guwardiya ang pinto ng kanilang selda para ibalik ang isang detainee na kinuhanan ng mugshot. 

Naibalik na ang 14 sa mga tumakas na preso, Lunes ng umaga, ayon kay Cabatingan. 

Nahaharap naman sa kasong administratibo at kriminal ang 5 bantay ng pasilidad. Nasa restrictive custody sila ng Bacoor police headquarters, dagdag ng opisyal. 

Inilagay aniya sa total lockdown ang temporary facility habang hindi pa naibabalik lahat ng pumugang preso.

DZMM, 30 Hulyo 2018 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.