PatrolPH

Nasa 900 pamilya apektado ng habagat sa bayan ng Sablayan sa Occ. Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 09:26 AM | Updated as of Jul 28 2021 09:40 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Magdamag ang naging pagbuhos ng ulan sa Sablayan, Occidental Mindoro, ang isa sa matinding naapektuhan ng habagat na nagdulot ng pagbaha at landslide sa lugar.

Ayon kay Mayor Andy Dangeros, kakailanganin nilang magdeklara ng state of calamity para matugunan ang pangangailangan ng mga residente na naapektuhan ng kalamidad.

Umaabot sa 900 pamilya ang naapektuhan sa nasabing bayan. Karamihan sa mga dumadaing ay mga magsasaka dahil ang kanilang palayan at taniman ng mais ay nalubog sa makapal na putik.

Kailangan nila ngayon ang mga binhi para makapagsimula muli ang mga magsasaka.

Tinatayang nasa P706 milyon ang pinsala sa agrikultura habang P47 milyon naman sa imprastruktura dahil sa dami ng nasirang mga kalsada, tulay at mga irigasyon.

Nadadaanan na ngayon ang mga kalsada na nagkaroon dati ng landslide matapos ang clearing operations.

Sa tabing bayan naman ng Santa Cruz ay nasa P70 milyon ang halaga ng pinsala ng nagdaang baha at habagat.

Sa Oriental Mindoro, umaabot na sa P350 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura.

- TeleRadyo 28 Hulyo 2021 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.