Mga basurang natambak sa estero sa Araneta Avenue sa QC, hinakot

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 10:04 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Puspusan ang ginagawang clean-up operations ng Riverwaste Clearing Operations Group ng Quezon City para alisin ang mga basurang natambak sa Talayan Creek sa Araneta Avenue na isa sa flood-prone area sa lungsod ng Quezon.

Naipon ang mga basura gaya ng mga plastic, styro, pinagbalatan ng pagkain, tela, kahoy at iba pa na karaniwang nanggagaling sa matataas na lugar gaya ng Balintawak.

Ayon kay Teresita Agustin, ang team leader ng grupo, nasa 33 tauhan ng RCOG ang naghahakot ng basura para hindi na magdulot pa ng baha ang mga basura sa creek.

Araw-araw silang nagpupunta sa lugar at kadalasan ay umaabot ng 1,000 sako ng basura ang kanilang nahahakot.

Sa kabila ng paglilnis araw-araw, kinabukasan tambak ulit ang basura.

“Sana po matuto tayong magdisiplina sa mga sarili natin. Kita nyo naman tuwing tag-ulan binabaha tayo. Araw-araw kaming naglilinis. Paano kaya kung walang naglilinis. Kailangan itapon nila ang basura sa tamang basura. Kailangang isegregate yung nabubulok at hindi nabubulok.

Lahat ng mahahakot na basura ngayong Martes ay isasakay sa dump truck at ililipat sa isang barge sa Maynila kung saan dadalin sa isang isla.

- TeleRadyo 27 Hulyo 2021