8 close contact ng Delta carrier sa Bacoor, positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 12:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagpositibo sa RT-PCR test ang walong close contact ng isa sa dalawang kaso ng Delta variant sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, pawang mga miyembro ng pamilya ang posibleng nahawa ng Delta variant carrier sa Addas 2C village sa Barangay Molino 2. 

Dahil dito, palalawigin ang lockdown sa naturang subdivision hanggang Agosto 7 at isasailalim din sa antigen test ang mga nakatira sa mga bahay na nasa kaparehong block ng pamilya.

“Wala po munang lalabas sa inyong mga tahanan at bawal din po ang may bumisita kahit po kamag-anak,” sabi ng alkalde.

Samantala, negatibo naman ang limang close contact ng isa pang Delta carrier sa El Grande Subdivision sa Barangay Molino 6 pero patuloy pa rin sila sa quarantine ng dalawang linggo.

Huling araw na ng lockdown sa El Grande noong Lunes pero kailangan munang isailalim sa antigen test ang mga residente na lalabas.

Nagpositibo sa COVID-19 ang dalawang kaso ng Delta variant noong Hulyo 10 at 12. Bagamat hindi sila bumiyahe sa ibang bansa, sinabi ni Revilla na nagpunta sa Metro Manila ang dalawang carrier. 

May 250 pamilya ang nakatira sa Addas 2C habang 900 pamilya naman ang sa El Grande na inabutan ng relief goods sa mga nakalipas na mga araw.

Isinailalim din sa disinfection ang dalawang lugar.

Samantala, higit 33,000 na ang fully-vaccinated sa Bacoor habang 82,000 naman ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
 
- TeleRadyo 27 Hulyo 2021