PatrolPH

Higit P1-M halaga ng droga nasabat sa magkahiwalay na anti-drug ops sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2022 06:46 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Balik-kulungan ang apat na lalaking umano'y tulak ng droga, matapos masakote ng mga pulis sa dalawang magkahiwalay na anti-drug operation sa Navotas City.

Ayon kay Pol. Col. Dexter Ollaging ng Navotas PNP, pawang mga nasa drugs watchlist ang mga target ng kanilang unang operasyon. 

Mga pedicab driver at mangingisda na suma-sideline umano sila sa pagbebenta ng ilegal na droga sa bahagi ng Brgy San Jose. 

Nakumpiska sa mga suspek ang P300,000 halaga ng umano'y marijuana.

Dalawang mangingisda rin ang naaresto ng PNP sa anti-drug operation sa Judge Roldan St. sa Brgy. San Roque.

Pareho ding nasa drugs watchlist ng estasyon ang mga nahuli umano.

Nakumpiska sa dalawang target ang nasa 160 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng higit P1 milyon.

Dati nang nakasuhan at nakulong ang mga suspek pero nakalaya dahil sa plea bargaining agreement.

Mahaharap ang mga nahuli ng kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.