PatrolPH

PANOORIN: Pagligtas sa mag-asawang inanod sa ilog sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2021 05:29 PM

Watch more on iWantTFC

Video mula kay Bayan Patroller Ronald Allan Corpuz Manglicmot

Umiral ang bayanihan sa mga residente ng Sitio Gutad 1, Barangay Tanyag, Calintaan, Occidental Mindoro nang pagtulungan nilang iligtas ang mag-asawa na na-inanod ng malakas na agos sa ilog nitong Biyernes. 

Nakuhanan ng video ni Bayan Patroller Ronald Allan Corpuz Manglicmot ang aktwal na pagliligtas sa mag-asawa pasado alas-3 ng hapon.

Sa video, makikita ang mag-asawa na tangay na ng malakas na agos. Nagawa silang iligtas ng mga ka-barangay sa pamamagitan ng lubid. Maririnig rin ang isang babae na sumisigaw ng “huwag kang bibitaw!”

Siya si Lerma Laurente, inaanak umano niya sa kasal ang mag-asawa. Aniya, gumawa ng paraan ang magkaka-sitio para iligtas ang mag-asawa nang nalaman niyang na-trap sa kubo sa gitna ng ilog ang mga ito.

“Kumuha po ng mga lubid ang mga kalalakihan po namin tapos po tinalian po ng container tapos sinikap pong itawid sa kabilang pampang po ang lubid na yon para po hawakan nung irerescue,” aniya. 

Dagdag pa ni Laurente, nasa walong lalaki ang nagtulong-tulong na ma-rescue ang mag-asawa.

Liblib umano ang lugar nila, kaya mahirap puntahan ng emergency rescuers kaya sila-sila lang ang nagtutulungan sa oras ng pangangailangan.

Panawagan ni Laurente, sana’y mapabilis ang pagsasagawa ng mga gabion wall sa kanilang lugar para makabawas sa problema nila sa baha tuwing umuulan.

“Ako po’y nananawagan sa mahal na Pangulo, ganon din po sa aming mahal na congressman at gobernador na sana po’y yung mga gabions po na pinapagawa dito ay apurahin at kung pwede po dagdagan po ng budget kasi medyo kulang po talaga yung gabions na dinala dito,” aniya. 

Kinilala ang isa sa mga nailigtas na si Arian Mae Talamisan Fresnillo. Sinusubukan ng Bayan Mo, I-Patrol Mo na makausap ang mag-asawa na iniligtas, para malaman ang kasalukuyan nilang sitwasyon.—Ulat ni Sarah Sales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.