Ilang bakwit, may tampo sa SONA ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 10:00 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Tumaas ang morale ng mga sundalo sa Marawi sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Hulyo 24.

Makailang ulit na binigyang diin ni Duterte sa SONA ang suportang ibibigay sa militar na nakikipagsagupa sa mga terorista.

Pero may ilang bakwit na dismayado sa talumpati ng Pangulo dahil hindi naidetalye ang balak gawin ng gobyerno sa mga sibilyang nadehado dahil sa bakbakan.
 
Isa na rito ang bakwit na si Lowanda Medico na bigla na lang napaiyak nang mabanggit sa SONA ang sitwasyon sa Marawi.

Ayon kay Medico, sana nabanggit ng Pangulo kung kailan matatapos ang digmaan at kung kailan sila maaaring bumalik na sa kanilang mga tahanan. 

Dismayado rin si Zenaida Hadjinasser Bio dahil mas madalas umano banggitin ng Pangulo ang mga sundalo kaysa sa kanilang higit na apektado ng sagupaan.

Samantala, muling sinuri kanina ni Lanao del Sur Vice Governor Bombit Adiong ang mga lugar kung saan itatayo ang temporary shelters.

Minamadali na raw nila ito para makabalik na ang mga bakwit sa lungsod at unti-unti nang maibsan ang hirap nila sa mga evacuation center.

Batid din ng lokal na pamahalaan ang hiling ng marami na makabalik na sa kanilang mga bahay lalo na sa mga lugar sa Marawi na idineklara nang 'cleared' ng militar.

Pero sa ngayon, hindi pa rin basta-basta pinapapasok ang mga sibilyan sa Marawi lalo't matindi pa rin ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng Maute.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.