Ilang bahay sa Lubang Island nasira ng lindol

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2021 09:03 AM

Watch more on iWantTFC

Sinabayan ng malakas ng pagbuhos ng ulan ang naganap na lindol Sabado ng madaling araw na naramdaman din sa Lubang Island sa Occidental Mindoro.

Ang isla ay katapat lamang ng Calatagan, Batangas kung saan naitala ang episentro ng 6.6 magnitude na lindol, alas-4:49 ng umaga.

Ayon kay Lubang Mayor Michael Orayani, may mga gumuhong lumang bahay sa bahagi ng Barangay Maligaya at Barangay Bagong Sikat. 

Mayroon ding riverwall na bumagsak sa bahagi ng Barangay Vigo.

Patuloy pang nag-iikot ang mga lokal na opisyal ng Lubang Island para alamin kung ano pa ang naging pinsala sa iba’t ibang bahagi ng isla.

Samantala, nagbagsakan naman ang mga paninda ng isang tindahan sa Calatagan dahil sa lindol, ayon kay Ronald Torres, ang pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng bayan. 

May naitala ring landslide sa bayan.

Nag-iikot na din ang engineering team ng Calatagan para i-check ang mga gusali na posibleng naapektuhan ng lindol.

- TeleRadyo 24 Hulyo 2021