Hiling ni Hontiveros kay Duterte: Tigilan na niyang maging 'Boy Bastos'

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 12:09 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang dapat na manguna sa pagsunod sa "Bawal Bastos" na batas na kaniyang pinirmahang nitong taon, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

"Sabi naman ni presidente pinirmahan naman niya yung 'Bawal Bastos Law'. Sana tigilan na rin niyang maging 'Boy Bastos'. Tigilan na niya yung pambabastos niya sa ating mga kababaihan," sabi ni Hontiveros.

Sa panayam sa Headstart sa ANC nitong Miyerkoles, sinabi ni Hontiveros na bukod sa walang klarong pagtalakay sa foreign policy at vision ang State of the Address ni Duterte nitong Lunes, bigong-bigo rin siya kay Duterte sa paggamit nito sa mga kababaihan sa kaniyang mga pabirong komento hinggil sa water crisis at sa Boracay.

Sa kaniyang SONA, ibinida ni Duterte ang rehabilitasyon ng Boracay.

"Boracay Island is just the beginning and the girls there, the foreigners, are waiting for you gentlemen to visit the place," sabi ng pangulo.

Hinggil sa water crisis, sinabi ni Duterte na kung hindi pa siya nagmura hindi magkakaroon muli ng supply ng tubig sa Metro Manila.

"When we arrived the next morning there was water and my girlfriend was fresh," pabiro ng pangulo.

"I think it's a challenge in the next years that we continue to talk with each other tungkol sa bakit tama ang demokratikong paraan hindi ito authoritarian ways ni presidente. Bakit tama na magkaroon ng respeto sa sa isa't-isa, sa mga babae, sa LGBT hindi itong kabastusan ni presidente to lure us away from the temptation of authoritarianism and the boy bastos culture," sabi ni Hontiveros.

Buwan ng Abril nang mapirmahan ni Duterte ang Republic Act 11313 o Safe Streets and Public Spaces Act laban sa gender-based sexual harassment.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.