21 nasawi dahil sa dengue sa Cavite ngayong taon: opisyal

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 09:24 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Pumalo na sa 21 ang nasawi dahil sa dengue sa lalawigan ng Cavite ngayong taon, sinabi ng provincial epidemiologist, Miyerkoles.

Mula Enero 1 hanggang Hulyo 20, nakapagtala na ang probinsya ng 4,108 kaso ng dengue, kabilang ang 913 kaso sa bayan ng Dasmariñas, ani Dr. Nelson Soriano.

Nagdeklara na ang Cavite ng state of calamity nitong nakaraang linggo para magamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang emergency funds.

Naglagay na rin ng "fast lanes" sa mga ospital para mas mabilis na ma-admit ang mga pasyenteng may "dengue warning signs", ani Soriano.

Sapat pa naman aniya ang suplay ng gamot at dugo sa lalawigan, pero inaasahang tataas pa ang bilang ng mga pasyente sa pagpasok ng tag-ulan.

Sa ngayon, nasa 15 hanggang 20 pasyente aniya ang ina-admit sa mga ospital kada araw. Sa Emilio Aguinadlo Hospital sa Dasmariñas, nasa pasilyo na aniya ang ilang pasyente dahil sa siksikan.

"Nakakaya pa [ng mga ospita], pero hindi ko po alam kung [hanggang kailan] kasi hindi na po namin ma-address iyung ibang problema kasi regulations na po iyun, kami'y sa health," sabi ni Soriano sa panayam ng DZMM.

Hinikayat niya ang publiko na hanapin at sirain ang mga posibleng pangitlugan ng mga lamok upang masawata ang pagtaas ng kaso ng dengue.

DZMM, Hulyo 24, 2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.