Reporma sa buwis, federalism, kabilang sa mga panukalang pagtutuunan ng Senado

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 05:49 PM | Updated as of Jul 25 2017 01:48 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Inilatag sa Senado ang mga panukalang batas na pagtutuunan ng mataas na kapulungan sa pagsisimula ng ikalawang regular na sesyon ng Kongreso.

Nakakuha ng 59% approval rating at 57% trust rating ang Senado sa mga pinakahuling survey.

Kasama sa mga legislative priorities ang mga panukalang tax reform, pagpapa-igting sa anti-terrorism law, panukala para sa national ID system, universal health care, at ang Bangsamoro Basic Law. 

Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III, mataas man ang grado nila sa mga Pilipino, dapat itodo pa ng mga senador ang pagtatrabaho.

"We will ease the burden of working and middle-class Filipinos while ensuring that all government programs remain funded through the tax reform," ani Pimentel. "We will ensure the safety of our people by strengthening the anti-terrorism law."

Mas pagagandahin pa rin daw ng gobyerno ang serbisyo publiko gamit ang National ID System at Universal Health Care.

May pangako rin si Pimentel sa mga kababayang Muslim.

"We will pursue a path to lasting peace in Mindanao by addressing the valid concerns of our Muslim brothers and sisters through the Bangsamoro Basic Law. Finally, we will empower our regions to determine their development plans through the shift to federalism," ani Pimentel.

Itutulak namang muli ni Sen. Manny Pacquiao na maisali ang death penalty bill sa mga bibigyang prayoridad ng Senado.

Handa naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na suportahan ang isusumiteng national budget ng Duterte Administration pati na ang National ID System. 

Si Senadora Risa Hontiveros naman na bahagi rin ng minority bloc, nangakong mas magiging mapagbantay pa ang oposisyon ngayon.

Tiniyak ni Pimentel na patuloy na bibigyan ng boses ang oposisyon sa Senado bilang bahagi ng demokrasya na tatapatan naman aniya ng pagiging solido ng super majority bloc sa Senado.

Bukod naman sa talumpati ni Pimentel, napagtuunan din ang kasama niyang partner na si Kathryn Yu.

Mindanao-inspired ang damit ni Yu na dalawang taon na raw dumadalo sa State of the Nation Address kasama si Pimentel. Pero mas pinipili niyang nasa 'sidelines' lang o hindi kadikit si Pimentel.

Angat din sa okasyon ang mga simple pero naggagandahang postura ng mga kabiyak nina Sen. Chiz Escudero, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Joel Villanueva, Sen. JV Ejercito, at Sen. Sonny Angara.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.