PatrolPH

Mga commuter na-stranded sa pagbaha sa Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 06:34 AM

Watch more on iWantTFC

Nalubog sa tubig ang ilang kalsada at komunidad sa timog Metro Manila gabi ng Huwebes dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa maghapon.

Ngunit sa buong madaling-araw Biyernes tuluyan nang humupa ang tubig sa mga binahang kalsada sa Las Piñas, Muntinlupa at Parañaque, dahil na rin sa paghinto ng ulan.

Nahirapang daanan ng mga sasakyan ang ilalim ng Zapote flyover sa dulo ng Alabang-Zapote Road hanggang sa ideklara itong not passable bandang alas-6:20 ng gabi.

Tagos ang tubig papunta sa Zapote bridge sa hangganan ng Bacoor at sa Diego Cera Ave. na sakop ng Las Piñas. 

Pero hanggang madaling-araw, unti-unting humupa na rin ang tubig nang naging manaka-naka ang ulan. 

Kaya natawid na rin ang kalsada ng mga light at heavy vehicle.

Dumiskarte pa rin ang ilang kabataan na nag-alok ng pagpapatawid ng mga motorsiklo sa kanilang kariton. Ang iba naman, nagpadyak ng mga tao papunta sa bahagi ng lungsod ng Bacoor, Cavite. 

Pinasok din ng tubig ang ilang mga subdivision sa Barangay Pulanglupa Uno gaya ng Perpetual Village, Meritville, Kalikasan Homes, at Mapayapa Village. 

Sa mga kalsada umabot ang tubig ng isang talampakan ang lalim, pero sa mga looban umabot pa ito ng lagpas tuhod.

Sa Parañaque naman, binaha ang maraming bahagi ng Dr. A. Santos Avenue, pero pinakanalubog ang kurba sa harap ng mall malapit sa C5 extension.

Tumulong sa paghahatid ng mga stranded na tao pauwi ang mga rescue team ng Barangay San Dionisio na nagpasakay sa kanila sa mga truck.

Pinasok din ng mga rescue boat ang mga looban para magsagip ng mga naabutan ng baha sa kanilang bahay.

Sa Muntinlupa, umabot ng lagpas tuhod ang tubig sa Biazon Road sa Bgy. Poblacion.

Nahirapan tuloy makatawid ang mga residente ng Southville 3 housing.

Ang Biazon Road na lang ang tanging madaanan nila papuntang bayan mula nang isara ng Bureau of Corrections ang kalsada sa loob ng National Bilibid Prisons. 

Nagpadala ang barangay ng truck para itawid ang mga tao. — Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.