Ilang gumagamit at nagbebenta ng yosi, di alam na ipinatutupad na ang nationwide smoking ban

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 08:06 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Ipinatutupad na ngayong araw ang Executive Order 26 o ang nationwide smoking ban ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at mga sasakyan.

Pero may ilan pa ring hindi alam na kasalukuyan nang ipinatutupad ang nasabing kautusan.

May ilang drayber ng pambublikong sasakyan na nagulat nang malamang umiiral na pala nationwide smoking ban.

Maging ang ibang nagbebenta ng sigarilyo, naguluhan kung ano ang mga pagbabawal sa ilalim ng kautusan.

Sa Cagayan de Oro City, may mga naninigarilyo pa rin sa mga pampublikong lugar kahit na may nationwide smoking ban na.

Paliwanag ng kanilang konseho, nais nilang isama sa kanilang ordinansa ang pagbabawal sa paggamit ng e-vape.

Patago naman ang paninigarilyo sa Nueva Vizcaya dahil may mga ordinansa na ang iba't ibang bayan na nagpapatupad nito.

Walang nahuli o nasitang naninigarilyo ang binuong task force sa Dagupan City pero sinita nila at kinumpiska ang mga panindang sigarilyo sa bangketa at mga terminal.

Giit ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Eric Tayag, nasa mga kamay ng lokal na pamahalaan at pulisya ang pagpapatupad sa nationwide smoking ban.

Maaaring isumbong ang mga establisimyentong lalabag sa E.O. 26 sa DOH hotline number (02) 7111002.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.