Ikalawang SONA ni Duterte, prangka, makatotohanan: Abella

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 07:44 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Handa na ang gobyerno pati na ng Philippine National Police (PNP) para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas, Hulyo 24.

Magpapakalat ng higit 6,000 pulis para tiyakin ang seguridad sa SONA ng pangulo. 

Pero handa umanong tapatan iyan ng mga demonstrador.

Noong Sabado, Hulyo 22, nagkasagupa ang mga pulis at mga militante nang magtangka silang dumaan at magdaos ng programa sa harapan ng U.S. Embassy.

Isang babaeng pulis ang nasaktan sa insidente.

Sa kabila nito, tiniyak ng PNP na maaari namang magsagawa ng programa ang mga raliyista sa Commonwealth bukas. 

Naglagay ng concrete barrier para sa mga motorista at para sa mga magpoprotesta.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, tampok sa SONA ang tagumpay ng ilang proyekto ng administrasyon at mga ikakasa pa nilang programa.

Isinulat sa Ingles ang talumpati na posibleng tumagal ng 50 minuto hanggang mahigit isang oras.

Dagdag ng Palasyo, prangka ang magiging SONA ng Pangulo pero makatotohanan.

Inihahanda naman ng grupong Bayan Muna ang isang dambuhalang effigy ng Pangulo.

Ang grupo mula Southern Mindanao, na isang linggo nang nagkakampo sa Mendiola, nananawagan kontra sa pinalawig na batas militar sa Mindanao.

Sa University of the Philippines-Diliman naman magkakampo ang grupong Kadamay. Sisingilin umano nila ang Pangulo sa pangako nitong programang pabahay.

Humimpil naman sa Department of Agrarian Reform ang mga militanteng mula sa Southern Tagalog.

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.