SAPUL SA CCTV: Street dweller na natutulog sa ilalim ng footbridge, ninakawan

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 08:37 AM

Watch more in iWantTFC

Kalaboso ang isang lalaki matapos nakawan ang isang street dweller na natutulog sa ilalim ng isang footbridge sa Barangay 138, Caloocan.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang paulit-ulit na binabalikan ng suspek na si "Martin" ang biktima na si Milagros Bautista, 68, habang siya ay natutulog sa maliit niyang puwesto sa ilalim ng isang footbridge.

Dahan dahan binuksan ng 25-anyos na suspek ang bag ng biktima hanggang sa matangay niya ang wallet ng biktima, alas-4 Martes.

Hindi pa nakuntento ang suspek, at muling binalikan ang biktima kagabi para naman tangayin na ang buong bag ng biktima.

Ayon kay Noah Cayat, staff sa Barangay 138, tiyempong nakaduty sila at nakita sa CCTV na ninanakawan ng suspek ang biktima kaya agad silang nakaresponde at nahuli ang suspek.

Ayon kay alyas Martin, nagawa niya ang krimen dahil umano wala siyang trabaho.

Labis na ikinalungkot ng biktima ang nangyaring pagnanakaw lalo na’t hindi na naibalik sa kanya ang mga pera na matagal niyang pinag-ipunan mula sa pamamalimos sa kalsada.

ABS-CBN TeleRadyo, July 22, 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.