ER ng isang ospital sa Tondo, pansamantalang isinara

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 07:28 AM | Updated as of Jul 22 2020 08:49 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sarado pansamantala ang Emergency Room ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Maynila para sa paglilinis at disinfection ng pasilidad.

Ayon kay Ted Martin, direktor ng ospital, kailangan nila magsagawa ng terminal cleaning at disinfection activities dahil na rin sa tumataas na bilang ng COVID-19. Aniya, ang ospital ay may 76 COVID-related cases at 52 doon ay kumpirmadong may COVID-19.

Dagdag pa ni Dr. Martin, ang COVID-19 ward ng ospital ay umabot na sa 100% capacity, ibig sabihan puno na ito. Pati ang isolation tent ay nasa full capacity na rin.

Meron din aniyang 53 healthcare workers na COVID-confirmed ang nasa quarantine pa, 4 sa kanila ay doktor at 12 ay nurses.

Umapela ang direktor sa ibang ospital sa Maynila na tanggapin muna ang mga pasyente mula sa kanilang ospital. Mananatili ang closure ng ER hanggang Huwebes.

Samantala, inanunsyo rin ng ospital na magkakaroon na sila ng walk in COVID-19 rapid test na libre, ngunit wala pang nabanggit na petsa kung kailan magsisimula. Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN TeleRadyo

ABS-CBN TeleRadyo, July 22, 2020