SAPUL SA DASHCAM: Truck sumalpok sa van sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 08:35 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Tatlo ang sugatan matapos sumalpok ang isang truck sa isang van sa Bacoor, Cavite Huwebes ng tanghali. 

Sapul sa dashcam ni Erwin Lopez Budoso ang pagsalpok ng isang delivery truck sa isang puting van na nag-overtake sa Masaito Road at dumerederecho sa Molino Boulevard. 

Sa lakas ng salpukan, bumukas ang pinto sa likod ng van kaya tumilapon ang 2 pasahero sa loob. Kinilala ang 2 pasahero na sina Renalyn Rudinas, 20, at Julie Bobiles, 59. 

Pareho silang nagtamo ng mga tama sa ulo at agad isinugod sa ospital. 

Dumaing naman ng pananakit ng dibdib ang driver ng delivery truck matapos sumalpok ang kanyang truck sa poste sa gilid ng kalsada. 

Ayon sa pulisya, inarkila ang van mula Dasmarinas, Cavite at bibiyahe pa-Maynila. Napansin din na hindi huminto ang van ng paparating ito sa Molino Boulevard. 

Sasagutin muna ng trucking service ang pagpapagamot ng 2 pasahero na nagpapagaling sa ospital. Pero maaari pa ring ihabla ang driver ng van ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries. 

ABS-CBN Umagang Kay Ganda, July 20, 2018