Marikina River, nasa Alert level 2 na

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 01:09 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Preemptive evacuation, ikinasa

MAYNILA - Nananatiling nasa alarm level 2 ang Marikina River kung kaya't nagkasa na ng preemptive evacuation ang pamahalaang lokal sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog.

Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, nasa 16.3 meters ang taas ng tubig ngayon sa ilog.

"Walang ulan ngayon pero kaninang umaga malakas na 
pag-ulan ang nangyari sa kabundukang nakapaligid sa Marikina kaya ngayon pa lamang bumababa yung tubig galing doon," pahayag ni Teodoro sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga.
 
Ani Teodoro, bagama't nakabukas na muli ang mga evacuation center sa lungsod, wala pang mga residente ang nagtutungo roon. 

Sa kabila nito, ikinatuwa pa rin ng alkalde ang kahandaan ng mga residente lalo na ang mga nakatira sa low-lying areas ng lungsod.

Sabi niya, alerto ang mga residente kung saan makikitang nakabalot na ang kanilang mga gamit at magkakasama ang pamilya sakaling kailanganing lumikas.

Bukod sa forecast mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinagbabasehan rin anila ang pagsususpinde sa klase o ang pangangailangang maglikas ng mga residente sa 5 rainfall collector monitoring system ng lungsod.

"Meron tayong rainfall collector monitoring system sa kabundukan ng San Mateo, Montalban at Antipolo," sabi ni Teodoro.

Payo din ni Teodoro sa mga residente ng Marikina na manatili sa kanilang mga bahay kung wala namang mahalagang kailangang gawin sa labas.

"Pinapakiusapan ang lahat na manatili sa loob ng ating mga tahanan para mas ligtas tayo at iwasan din yung paglusong sa tubig baha dahil sa mga sakit na dala nito," sabi ni Teodoro.

Bukas rin aniya ang mga health center ng lungsod sa mga residenteng nangangailangan ng gamot para sa leptospirosis. Maari rin makakuha ng vitamins ang mga residente para makaiwas sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.