Presong pinapuga ng Maute sa Marawi, sumuko

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 11:00 PM | Updated as of Jul 20 2017 08:40 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Halos dalawang buwan ang lumipas bago tuluyang sumuko sa pulisya ang presong si Jaber Lao.

Isa siya sa 68 presong nakatakas matapos lusubin ng Maute group ang Marawi City Jail noong Mayo 23. 

Kuwento ni Lao, natakot siya nang unang makaharap ang mga miyembro ng teroristang grupo. 

Pero mas natakot daw siya sa maaring mangyari sa kaniya kung hindi siya susuko dahil baka mapatay umano siya ng mga awtoridad na nakikipagsagupa sa Maute.

Ayon sa pulisya, kinausap ng mga terorista ang mga preso at inalok na umanib sa kanila at makipaglaban. Pero puwede rin naman daw umayaw ang mga preso. Kaya't ang ilan sa kanila'y humalo sa mga sibilyang lumikas mula sa lungsod.

Isa pang preso ang naaresto ng militar ang nai-turn over na sa Bureau of Jail Management and Penology.

Ayon sa warden ng Marawi City Jail, sa 68 presong pinatakas ng Maute group, 19 pa lang ang kanilang nahuhuli. 

Kulang din sila sa mga armas dahil kinuha iyon ng mga terorista.

Nakikiusap sila sa mga kaanak ng mga pugante, at maging sa publiko, na makipagtulungan, lalo't planong magmartsa umano ng ilang residente sa Marawi sa susunod na linggo.

Paliwanag ng militar, hindi pa rin ligtas na bumalik sa lungsod.

Sana raw, isaalang-alang ng mga gustong magmartsa ang kaligtasan nila at ng kanilang mga kasamahang sibilyan.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.