PANOORIN: 3 menor de edad nanloob sa boarding house

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2016 07:39 AM

Watch also in iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV camera ang panloloob ng tatlong menor de edad sa isang boarding house sa Nabua, Camarines Sur.

Sa CCTV footage, makikita ang mga bata na dahan-dahang gumapang, nagsesenyasan at nagtanggal pa ng mga tsinelas bago pumasok sa boarding house.

Binaklas nila ang ilang jalousie ng bintana at ninakaw ang ilang gamit sa loob ng mga kwarto.

Tinangay din ng grupo ang ilang nakasampay na damit ng mga boarder.

Hindi pa nakuntento, kinuha rin nila ang isang helmet pati ang emergency light ng gusali.

Ayon sa may-ari ng boarding house na si Catherine Audal-Dilag, hindi ito ang unang pagkakataon na nilooban ang kanilang lugar.

Nagsimula anya ito nang papalitan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang fire exit.

Isa sa mga iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nakuhang impormasyon na may protektor ang mga bata kaya malakas ang loob na magnakaw.

Inirekomenda ng PNP na magkaroon ng gwardiya sa boarding house at pakiusapan ang BFP na payagang baguhin ang fire exit, para hindi na pasukin ng mga kawatan.

- Umagang Kay Ganda, 20 Hulyo 2016