10 babaeng Chinese nailigtas mula sa mga 'bugaw' sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 08:16 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nailigtas mula sa mga hinihinalang sex trafficker ang 10 babaeng Chinese sa isang bahay sa Biñan, Laguna, sinabi ng pulisya, Huwebes. 

Tiniktikan ng mga awtoridad ang lugar matapos humingi sa kanila ng tulong ang isang Chinese na dating nagtrabaho roon, sabi ni Biñan police chief Lt. Col. Danilo Mendoza. 

"May mga kustomer na kapwa Chinese, papasok doon sa establishment, alanganing oras po, alas-12 hanggang alas-3, alas-4 ng umaga. Hatid sundo po ito ng isang sasakyan po," sabi ng pulis sa panayam ng DZMM. 

Aniya, pinangakuan ang mga babae ng trabaho bilang call center agent sa Pilipinas. 

Makikipag-ugnayan ng pulisya sa Bureau of Immigration upang alamin kung mayroong kaukulang dokumento ang mga nasagip na kababaihan, dagdag ni Mendoza. 

Iginiit naman aniya ng may-ari ng bahay na hindi niya alam ang ilegal na operasyon ng mga nangupahan sa kaniyang lugar. 

DZMM, Hulyo 18, 2019