Ilang eksperto, binatikos ang trabaho ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 01:01 AM | Updated as of Jul 24 2017 12:19 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

May 200 panukalang-batas ang naipasa ng Kamara sa first regular session, pero mahigit 100 dito ang local bills o para sa mga distrito ng kongresista.

Noong katapusan ng Mayo, apat lamang dito ang naisabatas ng Pangulo. Dalawang franchise laws, isang pagsuspinde ng barangay at SK elections, at ang karaniwang budget bill.

Kumpara sa 15th at 16th congress first regular session, kalahati lamang ang naisabatas na house bills sa ilalim ng 17th Congress sa parehong period.

Depensa ni House Speaker Pantaleon Alvarez, "Doon po sa Senado naka-pending. Dito sa House ang pinasa naming total is 210."

May iba na nakukulangan sa pagkumpas ng mga lider ng Kongreso para itulak ang mga panukala.

Para kay University of the Philippines Political Science Professor Jean Franco, mahalaga ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC). Ayon sa Republic Act 7640, dapat nagpupulong ang LEDAC kada tatlong buwan. Nang maupo ang Pangulo, nitong Enero pa lang nag-LEDAC.

"It is important that the President meets the leaders of the lower House and the Senate first through an informal LEDAC and then a LEDAC meeting, they can get their acts together because 'yun nga sayang 'yung supermajority," ani Franco.

Pero para kay Alvarez, parang LEDAC meeting na rin ang konsultasyon sa Pangulo at liderato ng Senado.

Maraming oras din ang ginugol ng Kamara sa kabi-kabilang imbestigasyon gaya ng Bilibid drugs trade at ng Ilocos Norte excise taxes na hindi pa tapos.

Puna ng mga analyst, may kulay politika ng 2019 elections ang ilang mga imbestigasyon.

Nauwi pa sa tunggalian sa pagitan ng Kamara at Court of Appeals (CA), kasama ang Korte Suprema ang imbestigasyon sa Ilocos Norte excise taxes.

Minura ni Alvarez ang CA justices dahil pinapalaya nito ang mga provincial official na detenado ng Kamara dahil ayaw sumagot sa hearing.

Sa kabila ng batikos, kuntento si Alvarez sa trabaho ng Kamara. Wala umanong problema sa quorum at nabawasan ang biyahe kapag may sesyon. Kahit sa committee hearings, madalas dumalo ang speaker at majority floor leader.

Sa kasalukuyan, may 25 panukala ang nasa mesa ng Pangulo na malapit nang maisabatas. Kasama rito ang libreng matrikula sa State Universities and Colleges, free Wi-Fi internet, 10 taong validity ng passport, at limang taong validity ng driver's license.

Inaasahang may dagdag pang mga panukalang-batas sa ikalawang SONA ng Pangulo kaya inaasahan din ang Kamara na tumutok sa paggawa ng batas.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.